MAY AWA ANG DIYOS

By Daniel Franklin E. Pilario, CM

Divine Mercy Sunday

Narinig natin si Tomas sa ebanghelyo ngayon: “Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita ang mga butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko nailalagay ang aking daliri sa mga iyon at nahahawakan ang kanyang tagiliran.” (Juan 20: 19-31)

Dahil dito’y hindi naging maganda ang kanyang imahen sa maraming Kristiyano. Kasi daw ang tagal maniwala, kailangan pa ng pruyba, etc. etc. Kaya nagkaroon siya ng bansag na “doubting Thomas”. Dapat daw huwag nating tularan. Maniwala na lang kasi! Huwag nang magtanong.

Pero masisisi mo ba si Tomas? Masisisi mo ba siyang hanapin ang buhay na katawan ni Jesus sa rehimeng nagnanakaw ng bangkay upang burahin ang ebindensya? Di ba yan din ang unang hinala ni Maria Magdalena? Masisisi mo ba si Tomas na hanapin ang kahit bangkay man lang – patay man o buhay – upang mahawakan sa panahong binabali ng mga sundalo ang mga buto ng patay na kriminal upang itapon o di kaya’y hayaan na lang maagnas sa daan at ipakain sa mga aso? Masisisi mo ba siyang hindi kaagad maniwala sa pamahalaang nagpapalaya ng mga totoong kriminal – si Barrabas halimbawa – at nagpapapatay ng mga inosente tulad ni Jesus basta lang huwag magsalita ng laban sa kanila?

Kaya nagpasiguro lang si Tomas. Baka ano na namang drama ito. Ipakita nyo ang “proof of life”, sabi nga sa social media ngayon. Kasi ang ibang “proof of life” ay mali ang pagka-edit sa photoshop! O malay mo impostor pala!

Nararamdaman ko na ang dami ng Tomas sa makabagong panahon. Masisisi mo ba kung hindi sila kaagad maniniwala? Pagkapatay sa tokhang, binabalot pa nila ng masking tape ang mukha, tinatapon lang sa tabing daan at nilalagyan ng karatola upang malamang addict o pusher daw. Kung minsan, pagkapatay, agad-agad kinukuha ng accredited na punerarya na hindi alam ng mga pamilya. Nagnanakaw nga sila ng bangkay kahit ngayon.

Di ba yan din ang ginawa nila sa mga biktima ng tinatawag na Bloody Sunday? May isang speech noong March 5: “Maggunit gani’g armas. Patya. Tiwasi!” Dalawang araw pagtakatapos, siyam kaagad ang patay sa iba’t-ibang bahagi ng NCR and Calabarzon noong March 7, 2021. Pero ang mas masakit ay ito. Pinatay na nga, ayaw pang ibigay ang bangkay sa kanilang mga pamilya, pahirapan pa.

Kaya’t hindi rin natin masisisi ang mga makabagong Tomas. Sa dami ng mga bangkay ngayon sa crematorium ng Manila o di kaya’y sa morgue ng mga hospital, maitatanong natin nasaan ang “resurrection”? Nasaan si Kristong muling nabuhay. Paano tayo magtitiwala uli na makakalampas nga tayo sa pandemyang ito?

Kaya’t hindi mo masisisi ang isang journalist na nagka-COVID nito lang nakaraang linggo. Alam niyang puno na ang ating mga hospital, ayaw naman niyang mahawa ang kanyang pamilya. Kaya nag-ipon na lang siya ng maraming pagkain at tubig at doon siya nanatili sa kanyang kotse hanggang manghina at kinalaunan ay mamatay. Masisisi mo ba siya kung nawalan siya ng tiwala sa ating health system na puno ng katiwalian at ngayon hindi na nakayanan? Pagkatapos ng buong taong pakikipaglaban sa virus ay wala pa ring nangyayari? Back to square one uli? Bakit???? I think we deserve better than this.

Kaya’t nga’t hindi sinisi ni Jesus si Tomas. Salungat sa sinasabi ng mga pari, hindi niya pinagalitan si Tomas. In fact, Jesus was gentle with him. He understood what he was going through. With what was going on around him – and Thomas was not naïve – Jesus understood that it was really difficult to believe. And in a famous painting of Caravaggio of this event (The Incredulity of St. Thomas), you will see Jesus gently holding Thomas’ hand and leading it into his wounds.

Para bang sinasabi, na-intidihan kita Tomas. Halika, hipuin mo ang mga sugat ko. Buhay ako, di ba? Magtiwala ka. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Hindi kita iiwan. Kaya natin ito.

Ako po ay isang paring Vincentiano na tumutulong sa Parokya ng Payatas. Marami po silang pinatay na EJK sa Payatas. Habang dinadalaw ko ang kanilang mga lamay, may isang bagay akong napapansin. Sa ibabaw ng kabaong ay may buhay na mga sisiw. Tinanong ko ang isang Nanay, para saan ito. Sabi niya: “Habang tinutuka ng sisiw ang mga butil ng bigas, tinutuka din nila ang konsensiya ng mga pumatay sa kanya. Hindi makakalayo yon. Makokonsensya din sila. Darating ang panahon, magkakaroon din ng hustisya. May awa ang Diyos.”

Siguro iniisip ng iba, ano ba namang pamahiin ito? Pero para sa mga biktima, ang sisiw ay isang panalangin sa Diyos na igawad niya ang kanyang katarungan; isang sagisag ng kanyang pangako na hindi niya tayo iiwanan kahit tayo ay nilalapastangan; isang pikikipaglaban na may buhay sa gitna ng kamatayan. Dahil wala na ngang mapupuntahan ang mga mahihirap, dahil itinakwil na sila ng sistema, ang sisiw ay naging sagisag ng awa ng Diyos sa kanyang bayan.

Hindi ko talaga malilimutan ang sinabi ni Lola Remy, isang 85-year old na Nanay ng EJK victim na si Juan nag-iwan sa kanya ng pitong mga anak. Sinabi niya habang hinahatid naming si Juan sa kanyang huling hantungan: “Gusto nila kaming patayin, Father. Pero hindi. Mabubuhay kami.”

Kay Lola Remy at sa lahat ng mga biktimang patuloy na lumalaban – sa COVID-19, EJK at sa lahat ng karahasan - sa kanila ko nakikita ang buhay na Diyos, ang awa ng Diyos para sa ating lahat.

Pero teka, di po pa Divine Mercy Sunday ngayon? May awa nga po ang Diyos.



Daniel Franklin E. Pilario, CM
St. Vincent School of Theology - Adamson University
danielfranklinpilario@yahoo.com
04.11.2021



Click this link to react in Facebook: 
https://www.facebook.com/danny.pilario/posts/10158306741096279

Click the link below to watch the Recorded Live Mass on the Feast of Divine Mercy:
https://www.facebook.com/watch...