NASAAN KAYO NOONG PINAPASLANG NILA ANG MGA MAHIHIRAP?

By Daniel Franklin E. Pilario, CM

[Ash Wednesday Reflection]

Ang daming Katoliko ngayong nagpo-protesta kasi daw lumalabas ang mga pari, madre at obispo upang i-endorso ang kanilang kinapupusuang mga politiko. Bawal daw po yon. Dapat "neutral" lang daw po sila. Ginagamit pa daw ang mga simbahan sa pagbabasbas ng mga kandidato. "Sagrado" pa naman daw ang lugar ito. Para bang ang laki ng paglapastangan na kanilang nagawa. May nalalaman pang litaniya ng mga batas-simbahan na nagsasabing ito daw ay ipinagbabawal. Na-eskandalo daw sila. Ayaw na raw nilang magsimba.



Pero nasaan kayo noong pinapaslang nila ang mga mahihirap — mga addict, mga lumad, mga napagbintangang "komunista", at iba pa? Nasaan kayo noong pinasok ng mga armadong pulis ang kanilang sagradong tahanan at binaril sila sa harapan ng kanilang mga maliliit na anak at asawa? Nasaan kayo noong sumisigaw at humihingi ng tulong ang mga balo?

Di ba ang mga pinaslang na mga ito ay mga "katawan din ni Kristo"? Bakit mas mahalaga pa sa atin ang pagiging sagrado ng gusaling templo? Di ba templo din sila ng Espirito Santo?

Ang karamihan sa atin noon ay tahimik lang at palihim na sinasabi: "Mabuti na lang, addict kasi. Salut ng bayan. Mga hayop at wala ng pag-asa pang magbago." Ang iba naman ay pumalakpak at may kasama pang kamao bilang pagpupugay at pagsang-ayon sa dakilang berdugo.

"Mga mapagpa-imbabaw, mga mapagkunwari! Nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng maliliit na halamang tulad ng yerbabuena, ruda at linga ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan.

"Dapat ninyong gawin ang mga ito nang hindi kinakaligtaan ang ibang utos. Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo!

"Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa at pinggan at magiging malinis din ang labas nito!" (Mt. 23: 23-26).

Maganda sigurong pakinggan at gawing gabay sa kwaresma at pag-aayuno si San Juan Crisostomo (347-407 AD):

"Nais ba ninyong igalang ang katawan ni Kristo? Huwag nyo siyang talikuran kung makita n'yo siyang walang damit sa daan. Huwag n'yo siyang sambahin sa mga sedang palamuti ng inyong mga dambana habang kinakalimutan siyang walang saplot at giniginaw sa labas ng simbahan. Ang taong nagsabi: "Ito ang aking katawan" ay siyang ring nagsambit: "Anuman ang ginawa ninyo sa pinakamaliit na ito ay ginawa ninyo sa akin".

"Anong gamit nito — puno nga ang ating simbahan ng ginintuang mga kalis at naggagandahang palamuti kung ang ating kapatid naman ay namamatay sa gutom at pang-aapi? Kalingain mo muna siya, pakiinin at tulungan.
"At kung meron ka pang tira, bumalik ka at gayakan ang iyong dambana." (St. John Chrysostom)

Ang nakakalungot ay ito: marami sa mga pumalakpak sa patayan noon, sila din ang boboto sa nagsasanib-pwersa na mga mandarambong at mamamatay-tao ngayon?

Kristiyano pa nga ba tayo?


Daniel Franklin E. Pilario CM
Vincentian Chair of Social Justice
St. John's University New York


React in Facebook: https://www.facebook.com/danny.pilario/posts/10158957143491279